| |
FPJ, RESPONSABLENG AMA
February 5, 2004
Handa si action king Fernando Poe Jr. sa lahat ng mga puna sa kanyang pagkatao ngunit dapat siyang umani ng paghanga
sa halip na batikos sa kanyang pag-amin sa publiko na siya ang nagkaroon ng "lovechild" sa dating aktres na si Ana
Marin.
Ipinaliwanag ni Koalisyon ng Nagkakaisang Pilipino (KNP) senatorial bet Boots Anson-Roa na hindi lihim sa mundo ng
pelikula ang naging relasyon nina FPJ at Marin ngunit ito hindi naging kontrobersyal sapagkat ipinakita ni Poe ang
kanyang pagiging responsableng ama at pagmamalasakit sa kinabukasan ng anak.
"Ang pagkakamali ay itinama niya, ang pananagutan ay hinarap niya. Higit na magiging mali kung tinalikuran ni Ronnie
ang responsibilidad kay Ronian na ngayon ay magtatapos na ng kurso sa kolehiyo mula sa eklusibong pamantasan," sinabi
ni Anson-Roa.
Kilala sa pagsulong ng mga isyung magpapatatag ng samahan ng pamilya, si Anson-Roa ay nagpahayag na hindi rin niya
tatalikuran si FPJ at magpapatuloy siya sa pagtakbo bilang senador bagamat idiniin niya na hindi dapat pamarisan ang
anumang uri ng pagtataksil sa asawa at sa pamilya.
"Walang sapat na dahilan upang hindi ko ituloy ang pagtakbo at higit na walang sapat na katwiran upang hindi ituloy ni
FPJ ang hangad niyang maglingkod sa bayan at tumulong sa mahihirap nating kababayan," deklara ng premyadong aktres.
Aniya, kung ikukumpara si FPJ sa ibang mga pulitiko ay higit na dapat itong hangaan dahil hindi niya itinago sa taong
bayan ang tunay na pagkatao.
"Sa aking palagay hindi makakaepekto sa kandidatura ni FPJ ang mga isyung ibinabato sa kaniya. Ang ginawa niya ay
nagpapatunay lamang na wala siyang balak linlangin ang taong bayan. Kahit nagkaanak siya sa ibang babae ay napanatili
pa rin niyang buo ang pagsasama nila ni Susan Roces," sinabi ni Anson Roa, na isa sa iilang Pilipina na nagging
awardee ng Ten Outstanding Women in the Nation's Service (TOWN).
"Batid kong handa si Ronnie sa mga batikos. Alam niyang sa pulitika, life is more public than showbiz. Sa larangan
ng pulitika pati siguro toilet bowl at kitchen sink ay ibabato sa iyo upang sirain ang iyong pagkatabo sa harap ng
mamamayan," dagdag pa niya.
|
|
|
|